Ang CT Scan o Computerized Tomography ay isang non-invasive na medical imaging procedure na gumagamit ng x-rays at advance computer technology para makagawa ng detalyadong imahe o picture ng loob ng katawan ng tao. Ang mga picture na ito ay nabubuo sa pamamagitan ng pagkuha ng series of x-ray images galing sa iba’t ibang angulo at pagkatapos ay pagsasama-samahin ito ng computer algorithm.
Para Saan ang CT Scan
Ang CT Scan ay ginagamit sa iba’t ibang aplikasyon at kadalasan ay para sa pag-diagnose at pag-monitor ng mga medical na sakit. Ang ilan sa mga pinag-gagamitan ng CT Scan ay ang mga sumusunod:
Pagtukoy ng Internal Injuries
Ang CT scan ay epektibong paraan upang matukoy kung ang isang tao ay may mga internal injury gaya ng bali sa buto, pagdurugo, o damage sa organ o sa ulo. Dahil sa detalyadong mga imahe ng CT Scan, ang mga doktor ay mas madaling naa-assess ang kalagayan ng paysente.
Pagtukoy ng Tumor
Ang CT scan ay kayang tumukoy at makita kung ang isang tao ay may namumuong tumor sa loob ng katawan. Sa pamamagitan ng detalyadong imahe ng laki, hugis, at lokasyon ng tumor, ang CT Scan ay napakalaking tulong sa mga gamutan ng mga pasyente lalo na ang may mga cancer.
Pag-Check Up ng Lagay ng Puso
Ang CT Scan ay maaari din gamitin upang alamin ang kalagayan ng puso at mga ugat ng tao. Ang Coronary CT Angiography ay isang halimbawa kung paano nalalaman ng mga doktor kung aling ugat ang may bara at dahil dito napapadali ang diagnosis ng mga sakit sa puso.
Pag-Check Up ng mga Buto at Kasu-kasuan
Ang CT Scan ay ginagamit din sa pag-diagnose at pag-evaluate ng mga buto at joints ng tao. Makikita dito kung mayroon mga fracture, arthritis, o spinal problem.