Ang Anxiety Attack o kilala rin sa tawag na panic attack ay ang pagkakaroon ng biglaan at matinding takot o panic na nagdudulot ng pagkabalisa. Ito ay isang sintomas ng anxiety disorder, isang grupo ng mental health conditions na tumutukoy sa lubhang pag-aalala, matinding takot, at pagkabalisa.
Marami ang nakakaranas ng anxiety disorder sa buong Mundo at sinasabing ito ay isa sa mga common mental health conditions. Maaari itong makaapekto sa pang araw araw na buhay ng taong meron nito.
Sa kabilang banda, ang anxiety attack o anxiety disorder ay nagagamot sa pamamagitan ng medisina at mental health support at natutunan ng mga pasyente na i-manage ang kanilang anxiety at mamuhay ng maayos.
Mga Sintomas Ng Anxiety Attack
Sa gitna ng isang anxiety attack, ang indibidwal ay nakakaranas ng physical at emotional na mga sintomas tulad ng mabilis na tibok ng puso, paninikip ng dibdib, kapos sa hininga, pagkahilo, panginginig, pagpapawis, at pagkawala ng ulirat. Ang mga sintomas na ito ay maaaring maging malala na tila ang pakiramdam ng indibidwal ay aatkehin sya sa puso.
Maaaring magkaroon ng Anxiety Attacks sa hindi inaasahang pagkakataon at dahil sa mga triggers tulad ng stress o mga mahirap na sitwasyon.
Pisikal na Sintomas ng Anxiety Attack
- Mabilis na tibok ng puso
- Pananakit o paninikip ng dibdib
- Kapos sa paghinga o kahirapan sa paghinga
- Pagkahilo o pakiramdam nanghihina
- Panginginig
- Pagpapawis
- Pagduduwal o pananakit ng tiyan
- Pamamanhid ng katawan
Emosyonal na Sintomas ng Anxiety Attack
- Takot o gulat
- Malalim na Pag-iisip at pagkatulala
- Hirap mag-concentrate
- Mga pakiramdam ng pagiging paranoid
- Pakiramdam mo ay mamamatay ka o aatakehin sa puso
- Pakiramdam na labis o wala sa kontrol
Importanteng tandaan na ang anxiety attack ay iba iba ang intensity at duration.
Ang ilang anxiety ay tumatagal ng ilang minuto habang ay iba naman ay tumatagal ng oras o higit pa. Iba iba rin ang frequency o kung gaano kadalas ito umatake, ang iba ay araw araw samantalang ang iba naman ay bihira lamang.
Kung ikaw ay nakakaranas ng anxiety attack, mahalagang humingi ng tulong sa mga mental health professional.
Mga Sanhi ng Anxiety Attacks
Maraming pwedeng maging sanhi ang anxiety attacks gaya ng mga sumusunod:
Stress at mga Kaganapan sa buhay: Ang mga kaganapan sa buhay gaya ng pagkawala ng trabaho, financial problems, o pagpanaw ng kapamilya ay maaaring mag trigger ng anxiety attacks. Ang chronic stress naman gaya ng high stress na trabaho o problema sa pamilya at iba pa ay maaaring maging dahilan ng pagdevelop ng anxiety disorder.
Genetics at Family history: Sinasabing ang pagkakaroon ng anxiety disorder ay isang sakit na namamana. Kung ang magulang ay mayroong anxiety disorder, ang indibidwal ay maaari rin magkaroon ng ganitong kondisyon.
Kondisyong medikal: Ang mga medical conditions gaya ng heart disease, thyroid problems, or asthma ay maaaring magdulot ng pisikal na mga sintomas na kagaya ng anxiety attack.
Iba pang dahilan: Maaari din mag trigger ng anxiety attack ang mga sitwasyon na naidudugtong sa mga phobia gaya ng takot sa heights, public speaking, pagsakay sa eroplano at iba pa. Sa ibang mga kaso, ang anxiety attack ay nangyayari ng walang anumang trigger.
Ang anxiety attack ay maaaring dulot ng maraming kadahilanan. Siguruhing kumunsulta sa mental health professional upang matukoy ang mga dahilan ng iyong anxiety attacks at upang mabigyan ka ng naaayong treatment plan.
Gamot Sa Anxiety Attack
Iba iba ang mga treatment na maaaring gawin para sa mga taong nakakaranas ng anxiety attacks. Kumunsulta sa isang mental health professional para malaman kung alin sa mga ito ang nararapat sa iyo kung ikaw ay mayroong anxiety attack.
Therapy: Ang cognitive-behavioral therapy (CBT) ay isa sa mga epektibong therapy para mabawasan ang anxiety symptoms at maiwasan ang anxiety attacks. Nakakatulong ang CBT sa pagtukoy at pagtuwid sa mga negative thinking patterns at behaviors ng isang indibidwal. Ang iba pang mga therapy gaya ng exposure therapy ay maaari rin gawin upang malabanan ang mga phobia o mga sitwasyon na nagti-trigger ng anxiety attacks.
Medications: Maraming uri ng medikasyon ang pwedeng gamitin sa paggamot ng anxiety disorder. Importanteng sumangguni sa isang healthcare provider para malaman ang naaayong medikasyon.
Self-care strategies: Ang pangangalaga sa sarili ay malaki ang maitutulong sa pag manage ng anxiety attacks at pagbawas sa stress ng isang tao. Una na rito ang exercise at healthy diet. Makakatulong din ang relaxation technique gaya ng deep breathing at meditation.