Samboy Lim
Ipinanganak noong Abril 1, 1962, si Avelino “Samboy” Lim ay lumaki na mahilig sa basketball. Siya ay nag-aral at naglaro para sa Colegio de San Juan de Letran, kung saan siya ay naging susi sa pagkapanalo ng tatlong sunod-sunod na NCAA championships mula 1982 hanggang 1984. Dahil sa kanyang natatanging galing at dedikasyon sa larangan ng basketball, siya ay kinilala bilang Most Valuable Player ng liga noong 1984.
Pagpasok sa PBA
Ang pagpasok ni Lim sa PBA ay tumatak sa madla dahil sa kanyang explosive style of play na dahilan kaya nagkaroon sya ng moniker na “The Skywalker.”
Naging miyembro siya ng San Miguel Beermen at itinuring na isa sa mga pinakamahusay na manlalaro sa kasaysayan ng liga. Sa loob ng kanyang karera, nakamit niya ang siyam na PBA championships, kasama na ang isang Grand Slam noong 1989. Ang kanyang No. 9 jersey ay kalaunan iniretiro ng San Miguel bilang pagkilala sa kanyang kontribusyon sa koponan at sa liga.
Si Lim ay kinilala rin bilang isa sa 25 Greatest Players at 40 Greatest Players ng PBA.
Internasyonal na Karera at Mga Parangal
Bilang bahagi ng Philippine national team, si Lim ay naging instrumento sa pagkapanalo ng pilak at tansong medalya sa Asian Games noong 1990 at 1986, at dalawang gold medals sa Southeast Asian Games. Kinatawan niya rin ang Pilipinas sa iba pang international basketball tournaments.
Trahedya sa Court at mga Huling Taon
Noong Nobyembre 2014, si Lim ay nag-collapse habang naglalaro sa isang exhibition game kasama ang iba pang PBA legends. Dala ng insidenteng ito, siya ay na-comatose at nagising makalipas ang dalawang buwan. Si Lim ay nasa pangangalagang medikal na mula noon.
Pagpanaw at Legacy
Noong Disyembre 23, 2023, ang mundo ng Philippine basketball ay nagdalamhati sa pagpanaw ni Samboy Lim sa edad na 61. Ang kanyang pamilya sa isang pahayag sa Facebook ay nagpaabot ng kanilang pasasalamat at pagmamahal para kay Samboy Lim at binanggit na siya ay “A man of Faith, exceptional courage, humility and grace. He embodied the very best of humanity,”.
Si Samboy Lim, sa kanyang buong karera at buhay, ay naging simbolo ng kahusayan sa basketball at inspirasyon para sa maraming Pilipino.
Ang kanyang legacy ay patuloy na magiging bahagi ng kasaysayan ng Philippine sports.