Ang Ad Hominem (Latin for “to the person” o “sa tao”) logical fallacy ay isang uri ng argumento kung saan inaatake ang taong kausap kasya ang paksa o isyu ng usapan. Ito ay nangangahulugan na imbes suriin ang mga sinabi o ebidensya tungkol sa isang ideya, inaatake ng kabilang panig ang taong nagsabi ng ideya o nagprisenta ng ebidensya sa pamamagitan ng pagdungis sa kanyang karakter, motibo, o personal na katayuan.
Halimbawa ng Ad Hominem na argumento;
Panig ni A: “Kailangan natin ikonsider ang paggamit ng mga renewable energy sources dahil mas sustainable ito at mababawasan natin ang paggamit ng mga fossil fuels na masama sa kalikasan”
Panig ni B: “Wag natin pakinggan ang sinasabi ni A reklamador naman yan!”
Sa halimbawang ito, hindi binibigyang pansin ni B ang laman ng ideyang sinabi ni A. Bagkus, sinisira nya ang imahe ni A sa pamamagitan ng pag-atake sa kanyang karakter at ipilit na walang kwenta ang kanyang mga sinabi. Ito ay isang halimbawa ng Ad Hominem fallacy dahil ang focus ng argumento ay ang tao at pagsira ng karakter at kredibilidad nito imbes na mag-focus sa mismong paksa o isyu.
Ang Ad Hominem ay ginagamit ng marami bilang taktika para manalo sila sa isang argumento, pero hindi ito makakatulong sa pagkakaroon ng produktibong pakikipag-usap. Isa pang rason kung bakit hindi maganda ang Ad Hominem ay dahil mas pinapalala pa nito lalo ang hidwaan at hindi pagkakaintindihan ng dalawang panig.
Mga Uri ng Ad Hominem
Maraming uri ang Ad Hominem at ilan sa mga ito ang mga sumusunod;
Personal Attack: Ito ay uri ng ad hominem kung saan inaatake ang karakter o personal na itsura, katayuan o kalagayan ng isang tao. Halimbawa, “Hindi ka naman kabilang sa simbahan namin kaya lahat ng sasabihin mo ay mali!” o kaya “Ang panget mo! Ang bobo mo! etc.”
Poisoning the Well: Ito ay uri ng ad hominem kung saan inuunahan na ng isang tao na siraan ang kabilang panig bago pa man ito makapagbigay ng kanyang argumento. Halimbawa, “Si Juan ay kilalang sinungaling at hindi nagsasabi ng totoo, pakinggan natin kung ano ang sasabihin nya”. Sa halimbawang ito, makikitang nauna muna ang paninira kay Juan bago pakinggan ang kanyang sasabihin, kaya ito tinawag na poisoning the well o paglalagay ng lason sa bukal.
Tu Quoque (Ikaw rin): Ito naman ay uri ng ad hominem kung saan ibinabalik ang paratang o isyu sa kabilang panig. Sa pamamagitan ito ng pagsasabi na sya rin naman ay gumawa o guilty rin ng bagay na ibinabato nya. Halimbawa, “Hindi mo ko dapat pagsabihan sa hindi ko pagbabayad ng buwis, ikaw rin naman hindi ka nagbabayad!”
Ang lahat ng mga uri ng ad hominem na ito ay may iisang pagkakapareho. Ito ay ang pag-atake sa taong kausap imbes na suriin ang argumento o reasoning nito.
Paano Maiiwasan Ang Ad Hominem
Para makaiwas sa paggamit ng ad hominem, importanteng mag-focus sa isya o paksa ng usapan at suriin na lamang ang mga ideya, ebidensya o mga rason ng kausap. Ibig sabihin, imbes na atakihin ang kausap sa mga personal na bagay, suriin na lamang ang mga argumento nito.
Ito ang mga tips kung paano maiiwasan ang paggamit ng Ad Hominem.
Iwasan ang Personal na Atake: Imbes na gumawa ng personal na atake sa kausap gaya ng pang-aasar, pagsira ng karakter atbp., mag-focus na lamang sa paksa o isyu ng usapan. Iwasan ang mga komento tungkol sa karakter, personal na itsura o katayuan.
Suriin ang Laman ng Argumento: Suriin ang mga sinabi, ebidensya at reasoning ng iyong kausap imbes na atakihin ito ng personal. Ibig sabihin nito, ang dapat i-konsider ay ang mga facts at logic ng argumento.
Maging Magalang: Mahalaga na magkaroon parin ng galang sa pakikipag-debate o pakikipag-usap kahit na hindi ka sang ayon sa iyong kausap. Iwasan ang ang hindi magandang lenggwahe at mag-focus sa laman ng argumento.
Humanap ng Pagkakapareho: Humanap ng common ground upang magkaroon ng pagkakaunawaan. Ito ay makakatulong upang makabuo ng produktibo at magalang na pakikipag usap.